Iyan ang huling salita na narinig ko mula sa mga labi ng Nanay ko. Ang huling pagkikita namin ni Ina ay noong magbakasyon ako last May 4 to June 16, 2010.
(Ang video ay narekord ko noong July 18, 2008 nang magchat kami ni Nanay at ng aking maybahay – di man maganda ang pagka record ko dahil panakaw sa celfon na kinuhaan ko, at least this could be a living memory ng Nanay ko na nae-video ko).
Nafe-feel ko pa ang init ng kaniyang mga haplos sa aking mga palad at braso habang kaniyang pinipisil-pisil sila at dinadampian ng kaniyang mga halik.
Sa loob ng higit tatlong dekada na hindi kami nagkita at nagkasama mula ng ako’y umalis mula sa kanilang poder sa edad na higit katorse, noong bakasyon ko lamang siya nayapos nang mahigpit.
Sa araw na ito, July 24, 2010, pumanaw ang Nanay ko. Nalaman ko ito nang buksan ko ang aking facebook account, ang bumulaga sa akin ay isang mensahe mula sa aking apo sa pamangkin na nagsasabi “Wala na po ang lola, kani-kanina lang.”
Masakit sa kalooban nguni’t tinanggap ko nang maluwag sa aking isip at puso. Ang Nanay ko ay ipinanganak noong May 14, 1927. Sa araw na ito ang edad niya ay umabot sa eksaktong 83 yrs old, 2 months at 10 days.
At least maaga kong nalaman ang kaniyang pagpanaw. Hindi ‘tulad nong 1991 nang ang Tatay ko ay pumanaw. Lumipas ang tatlong buwan bago ko matanggap ang telegrama mula sa aking matandang kapatid sa probinsya dahil may mali sa address na kaniyang naisulat.
Ngayon tulad ng dati, kung papaano ako umiyak nang mawala ang Tatay – ganuon din ang pag-iyak ko, sa loob ng washroom doon ako humagulgol.
Seguro kung totoo nga na may life after death, yong huling sinabi ng Nanay ay magkakatotoo, sa ibang daymensyon kami magpapanagpo!
No comments:
Post a Comment